Mag-asawa patay sa magnanakaw

RODRIGUEZ, Rizal - Pinagtulungan saksakin hanggang sa mapatay ang mag-asawang negosyante ng mga hindi kilalang kalalakihan makaraang pasukin ang bahay ng mga biktima sa Barangay San Rafael ng bayang ito kamakalawa ng gabi.

Bandang alas-7:30 ng gabi nang matagpuan ang bangkay ng mga biktimang sina Romeo Quesea, 75 at Pastora Quesea, 73 na kapwa residente ng Eastwood Greenview Subd., Barangay San Rafael ng naturang bayan.

Ayon sa pulisya, nadiskubre ang krimen matapos na mamataan ng mga kapitbahay na may mga bakas ng dugo sa harapang pintuan ng bahay ng mag-asawa.

Dito na ipinagbigay-alam ng mga kapitbahay sa himpilan ng pulisya ang pangyayari at natagpuan ang bangkay ng mag-asawa.

May teorya ang pulisya na nanlaban ang mag-asawa kaya pinatahimik at sinisilip din ang anggulong kilala ng mga biktima ang mga magnanakaw na nanloob sa kanilang babay. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments