Ito ang isiniwalat sa PSN ng isang kagawad ng pulisya na tumangging ipabanggit ang pangalan na kasalukuyang nagpapatuloy ang operasyon ng jueteng sa bayan ng Subic, Zambales, simula pa noong nakaraang linggo.
Napag-alaman pa sa impormante na ang operasyon ng jueteng ay unang bumalik sa Subic, Zambales noong nakaraang linggo na pinapatakbo ng dalawang gambling lord na sina Peping Beldan at isang nagngangalang "Aguing", kilalang jueteng king sa bayan ng Malabon.
Ayon pa sa source, ang operasyon ng jueteng ng dalawang nabanggit na jueteng lord sa bayan lamang ng Subic ay nakakakolekta ng P1.5 milyon araw-araw maliban pa sa mga bayan ng Castillejos, San Marcelino, San Antonio, San Felipe, San Narciso, Palauig, Candelaria, Masinloc, Iba, Botolan, Cabangan at Sta. Cruz kung saan laganap din ang operasyon ay kumikita ng umaabot sa P15 milyon araw-araw.
"Nagpalamig lang muna sila dahil sa utos ni Gen. Ebdane, pero pagkatapos ng ilang linggo ay nag-resume na naman ang operasyon ng jueteng dito na may kaakibat na basbas galing sa itaas," dagdag pa ng source.
Ibinunyag pa ng impormante sa PSN na personal na iniaabot ng dalawang gambling lord sa mga tiwaling matataas na opisyal ng pulisya na nakabase sa Zambales-PNP command ang P3 milyon bilang "payola" kapalit sa malayang operasyon ng jueteng dito sa nasabing lalawigan. (Ulat nina Alex Galang/Jeff Tombado)