"With the incident last Sunday, Maguindanao is surely an early candidate for the election hot spots," pahayag ni AFP Vice Chief of Staff at Spokesman Lt. Gen. Rodolfo Garcia sa ginanap na press briefing sa Camp Aguinaldo kahapon.
Lumobo na sa 14-katao ang nasawi habang 87 pa ang nasugatan kabilang ang target paslanging si Parang, Maguindanao Mayor Vivencio Bataga.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Pfc. Christopher Arcanel ng Phil. Army, PO3 Nasser Akmad, Bryan Tomawis, Onto Badlian, Ismael Dimaluddin, Musa Mitimig, Ronah Tomawis, Merriam Tomawis, Sulaiman Macarimbang, Sittil Macaliag, Mariz Macaliag, Amina Danlao, Samad Nano at isa pang beneberipika pa ang pangalan.
Sa nasabing insidente ay malakas ang teorya ng mga awtoridad na pulitika ang pangunahing motibo sa kaso dahil ito ang ikaapat na pagtatangka sa buhay ni Bataga, isang dating Army colonel na tatakbo sa re-election.
Sa kabila nito, sinabi ni Garcia na hindi rin nila isinasantabi ang posibilidad na kagagawan ng mga teroristang grupo ang pambobomba.
Bagaman hindi pa beripikado kung ang naganap na insidente ay may kinalaman sa darating na halalan, inatasan na rin ng Pangulo ang PNP at Armed Forces of the Philippines na gumawa ng operational plan para masiyasat ang itinuturing na "hot spots" sa bansa.
Ito ay para makapaghanda ng kaukulang hakbang sa pagsawata at maiwasan ang pagkakaroon ng karahasan sa eleksiyon. (Ulat nina Joy Cantos at Lilia Tolentino)