4 patay, 9 grabe sa karambola ng sasakyan

Apat katao ang nasawi samantalang siyam pa ang grabeng nasugatan sa magkakahiwalay na banggaan ng mga sasakyan sa Antipolo City, Rizal at San Jose City, Nueva Ecija kamakalawa.

Sa ulat, naganap ang unang insidente matapos na aksidenteng araruhin ng isang 6-wheeler truck ang isang motorsiklo sa kahabaan ng Maharlika highway, Brgy. Caanawan ng San Jose City bandang 1:30 ng hapon.

Ayon kay P/Supt. Antonio Adawag, hepe ng San Jose City Police, kapwa dead-on-the-spot ang mga biktimang sina Reynaldo Bautista, 48, ng Brgy. Gen. Luna, Llanera, Nueva Ecija at Mauricio Reyes ng Parang, Marikina City, MM.

Nabatid na masyadong mabilis ang takbo ng truck na may plakang BAK 673 at minamaneho ng driver na si Remegio Parocha, 41, kaya nabundol ang motorsiklong kinalululanan ng mga biktima.

Sa Antipolo City, Rizal bandang alas-7:30 naman ng gabi nang masawi ang isa katao habang anim pa ang malubhang nasugatan makaraang mawalan ng preno ang isang truck na binangga ang dalawang pampasaherong jeepney at apat na tricycle sa Brgy. de la Paz ng lungsod na ito.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa pagamutan ang biktimang si Benito Venezuela, 50; Percival Munar, 32, at nakilala naman ang mga nasugatan na sina Grace Francisco, 29; Roman Latorio, 20; Evelyn Abalos, 40; Lolita Larcota, 36; Haydee Gonzales, 24; at iba pa na residente ng lungsod.

Nabatid na sinuyod ng humahagibis na truck, may plakang TNT-117 ang nasabing mga sasakyan na tumilapon sa lakas ng pagkakabangga.(Ulat nina Edwin Balasa at Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments