Ayon kay AFP Vice Chief of Staff at Spokesman Lt. Gen. Rodolfo Garcia, hindi sila maaaring basta na lamang maniwala sa sinabi ni Lasal hanggat hindi nila natitiyak kung may katotohanan ang sinasabi ng nasabing bomb expert.
Gayundin, kailangan umano ng pruweba hinggil sa sensitibong usaping tulad nito.
Sinabi ni Garcia na posibleng makasira sa isinusulong na pagpapatuloy muli ng naudlot na peace talks sa pagitan ng GRP at MILF peace panels kung sakaling paniniwalaan nila agad ang ibinulgar ni Lasal nang walang isinagawang karampatang imbestigasyon.
Base sa pagbubulgar ni Lasal, simula nang tumakas sila nina Al-Ghozi at ng isa pang napaslang niyang kasamang Abu Sayyaf na si Abdulmukim Edris ay rebeldeng MILF na ang nagkanlong sa kanilang tatlo sa pagpapalipat-lipat ng taguan sa ibat ibang panig ng Mindanao habang tinutugis ng militar at pulisya.
Ayon pa kay Garcia, hindi naman nila minamaliit ang mga pahayag ni Lasal tulad na lamang ng pahayag nito na isa siyang ahente ng militar kung kayat magsasagawa sila ng imbestigasyon para hindi sila magkamali.
Magugunita na si Al-Ghozi kasama sina Lasal at Edris ay pumuga sa Camp Crame noong Hulyo 14, 2003. (Ulat ni Joy Cantos)