Gay bar sinalakay

BAGUIO CITY – Dalawa sa pitong kalalakihan ang iniulat na dinakip ng pulisya makaraang maaktuhang nagsasayaw nang walang saplot sa harap ng mga customer sa loob ng gay bar sa kahabaan ng Magsaysay Avenue sa lungsod na ito noong Biyernes ng madaling-araw.

Ang ginawang pagsalakay ng mga tauhan ni P/Supt. Francisco Manalo sa Chip and Dale disco bar ay bunsod na rin ng maraming reklamo at ilang linggong paniniktik.

Kinilala ni P/Senior Insp. Elmer Ragay, ang dalawang bold dancers na sina Jasper C. Madrigal, 20, ng Hagonoy, Bulacan at Francisco C. Peñaflor, 22, ng Managuisan, Bulacan.

Inaresto rin ang pitong kalalakihan mula sa nasabing gay bar dahil sa walang working permit na sina Erik F. Castro, 23, ng Bulacan; Reyban A. Alonzo, 24, ng Iba, Zambales; Francis T. Lim, 23, ng Maynila; Leody N. Basubas, 24, ng Cauayan, Isabela; Joseph G. Bigay, 32, ng Cavite; Danilo M. Alonzo, 24, ng Pampanga at Louie A. Villarante ng Catbalogan, Samar.

Ayon pa kay Ragay, kasalukuyang minamanmanan ang ilang gay bar at disco sa nasabing lungsod dahil na rin sa reklamo ng mga residente sa pagpapalabas ng malalaswang panoorin. (Ulat ni Artemio Dumlao)

Show comments