Mag-lolo tinangay ng baha

COTABATO CITY – Isang lolo at apo nito ang nasawi makaraang anurin sila ng flashflood na mahigit anim na talampakan ang lalim sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Ayon kay Lita Enok, director ng Office of Civil Defense ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), pinaghahanap pa rin ng mga rescue workers ang isang 60-anyos na lolo at apo nito matapos tangayin ng baha ang kanilang barung-barong sa Barangay Dalican ng nasabing bayan.

Sinabi ng mga biktima ng flashflood, parang tsunami ang kanilang narasan kaya wala silang tanging naisalba kundi ang damit lamang nilang mga suot.

Mahigit 50 barung-barong ang winasak ng nasabing pagbaha na bunga ng walang tigil na pag-ulan sa nasabing lugar. Maging ang Mindanao State University ay naapektuhan nang biglang pagbaha.

Tinatayang aabot sa P30 milyon ang naging pinsala sa mga nawasak na ari-arian dulot ng flashflood.

Inatasan naman agad ni Gov. Datu Andal Ampatuan ang kanyang mga tauhan na tulungan ang mga naging biktima nang biglang pagbaha sa kanilang lugar.

Sinabi pa ni Gov. Ampatuan, hindi sana mararanasan ng kanilang lalawigan ang flashflood na ito kundi dahil sa walang habas na pamumutol ng pungkahoy sa kagubatan.

Aniya, hindi naman dati binabaha ang kanilang lugar at nagsimula lamang ito ng dahil sa illegal logging sa mga bundok sa Datu Odin Sinsuat at North Upi. (Ulat ni John Unson)

Show comments