Manager ng AFPSLAI pinatay sa salary loan

CAMP AGUINALDO – Binaril at napatay ang isang branch manager ng Armed Forces of the Phil. Savings and Loan Association, Inc. AFPSLAI) nang mag-amok ang sarhento Phil. Army dahil sa salary loan sa kampo ng AFP-Southcom sa Zamboanga City kamakalawa ng hapon.

Nagtamo ng bala ng M16 rifle sa sentido ang biktimang si Emmanuel Vargas na nakatalaga bilang branch manager ng asosasyon sa Camp Navarro sa nasabing lugar.

Agad namang nadakip ang suspek na si T/Sgt. Wilfredo Cabalhag matapos ang pangyayari bandang ala-1:50 ng hapon sa loob ng opisina ng AFPSLAI.

Napag-alaman na nagalit ang suspek dahil sa sobrang kinakaltas sa kanyang suweldo sa salary loan kaya nagreklamo ito sa opisina ng AFPSLAI pero itinanggi naman ng biktima matapos na beripikahin.

Dito na nagkaroon nang mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa umalis na lamang ang galit na suspek pero lingid sa biktima ay kakalawitin na siya ni kamatayan.

Bumalik ang suspek na may dalang baril at binaril sa sentido ang biktima matapos na mag-amok sa labas ng nasabing opisina. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments