Bagitong pulis natodas sa physical fitness ng PNP

Camp Crame – Isa na namang bagitong kasapi ng Philippine National Police (PNP) ang nasawi habang sumasailalim sa physical fitness program ng pulisya sa Negros Occidental kamakalawa.

Ang biktima ay nakilalang si PO1 Rafael Sardiñola, nasa hustong gulang, nakatalaga sa 6th Regional Mobile Group (RMG) ng PNP at residente ng nasabing lugar.

Batay sa ulat, dakong ala-1:30 ng hapon ng maganap ang insidente sa harapan ng Hacienda Sasa, Kilometer 33, Brgy. 8, Victoria City, Negros Occidental.

Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang pabalik na ang biktima kasabay ang mga kasamahan nitong parak sa kanilang headquarters nang bigla na lamang itong himatayin sa nasabing lugar.

Mabilis na isinugod ang biktima sa Silay City Provincial Hospital subali’t binawian ito ng buhay dakong alas-5:10 ng hapon sanhi ng heat stroke. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments