Ayon kay Atty. Manolette Dinsay, abogado ng mga empleyado, hindi makatwiran ang ginawa nina William at Rexion Gatchalian at Kelvin Tan na pawang may-ari ng Waterfront hotel at malinaw na paglabag ito sa labor code.
Bigla na lamang umanong hindi pinapasok ang mga hotel personnel at hindi na ibinigay ang kanilang suweldo mula May 16-31 dahil sa nalulugi na umano ang negosyo matapos kumalat ang sakit na SARS na naging dahilan upang wala ng maging guests ang hotel.
Itinanggi naman ng mga empleyado na nalulugi ang hotel dahil hindi naman nagbago ang umuukupa dito at ang mga naglalaro sa casino nito.
May palagay ang mga empleyado na baka ibenta sa ibang investors ang nasabing hotel kaya nais nilang alisin ang mga senior employees nito.
Kinasuhan din ng mga empleyado ang Waterfront ng illegal suspension, illegal dismissal, non-payment of salaries and 13th month pay, service incentives leave at allowances sa NLRC.
Pinagsabihan din ng Waterfront ang mga empleyado na hanggang June 15 na lamang ang operasyon nito dahil nalulugi ang hotel. (Ulat ni Jhay Mejias)