Kusang dumulog sa PSN columnist Tony Calvento ng Calvento Files si Hazir P. Pedragosa upang ilahad sa National Bureau of Investigation (NBI) ang kanyang mga nalalaman sa pagpaslang sa alkalde ng Tineg, Abra na itinumba sa loob mismo ng simbahan ng San Isidro Labrador sa Barangay Silangan Poblacion, Calauan, Laguna.
Bandang alas-2 ng hapon nang sumuko si Pedragosa kay Calvento sa Pacita Complex, San Pedro, Laguna.
Makaraan ang ilang minutong pag-uusap ay dinala na si Pedragosa ng mga elemento ng NBI sa punong-tanggapan sa Maynila.
Kasalukuyang nasa pangangalaga ng NBI-NCR sa pamumuno ni Atty. Edmond Arugay si Pedragosa at inirekomendang isailalim sa Witness Protection Program ng Department of Justice (DOJ).
Base sa record ng mga awtoridad, si Mayor Benwaren ay binaril sa ulo ng isa sa pitong suspek habang lumalagda sa marriage contract sa loob ng naturang simbahan noong Oktubre 29, 2002 ng umaga.
Napatay naman ang isa sa mga suspek na si Edberto Amoncio, 26, ex-army at residente ng Diliman, Quezon City, samantala, nadakip naman ang driver ng van (XEE-831) na si Ceman Carandang ng Barangay Maslit, Calauan, Laguna.
Bago pa mapatay si Mayor Benwaren ay ilang beses nang pinagtatangkaan ang kanyang buhay ng mga rebelde ng Agustin-Begnalen command ng NPA. (Ulat ni Mike Amoroso)