Mag-utol dedo, 5 grabe sa road mishap

CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite – Malagim na trahedya ang naganap na aksidente sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay San Vicente Dos, Silang, Cavite makaraang magkarambola ang apat na sasakyan na ikinasawi ng magkapatid na matanda at ikinasugat ng malubha ng lima pang iba kamakalawa ng hapon.

Walang buhay na tumilapon ang mag-utol na sina Pedro De Castro, 65 at Sozimo, 63 na kapwa residente ng Blumentrit Street ng nabanggit na barangay.

Samantala, nasa University Medical Center (UMC) ang mga sugatang biktima na sina Solita De Castro, Ronnie Jorge Santos, 23, ng Camella Homes East 1, Bacoor; Maria Avelina Manzon, 37; Maria Blessie, 11 at Ivy Jean 19.

Sa inisyal na ulat ni PO1 Eric Ambojia, naitala ang aksidente dakong alas-3:15 ng hapon.

Ayon sa pulisya, ang apat na sasakyan sa karambolang naganap ay mga Nissan Vanette (TJT-483) na minamaneho ni Nepomuceno Perea; Toyota Corona (NBG-552) na ang driver ay nasawing si Sozimo; Mini dumptruck (UUM-186) ni Pablo Milona na pawang patungong Tagaytay City at ang Honda Civic na minamaneho naman ni Santos. (Ulat ni Cristina G. Timbang)

Show comments