Chemical attack ilulunsad ng ASG?

Pinangangambahang maglulunsad ng mapaminsalang ‘chemical attack’ ang mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) upang lasunin ang tubig at supply ng pagkain upang ilihis ang atensiyon ng tumutugis sa mga itong puwersa ng mga sundalo sa Sulu.

Ayon kay Col. Alexander Aleo, Commander ng 104th Brigade ng Phil. Army sa Jolo, Sulu, inalerto na niya ang kanyang mga tauhan upang mapigilan ang natanggap nilang intelligence report hinggil sa panibagong uri ng terorismo na ihahasik ng grupo ni ASG Chieftain Khadaffy Janjalani.

Sinabi ng opisyal na posibleng ibig harangin ng mga bandido ang daang tropa ng mga sundalo na nakakalat sa kagubatan ng Sulu upang iligtas ang nalalabi pang bihag na tatlong Indonesian crewmen at apat na miyembro ng Jehovah’s witnesses kaya ibig ng mga itong lasunin ang tubig at supply ng pagkain dito.

Ayon pa kay Aleo, patuloy din umanong beneberipika ng militar ang impormasyon hinggil sa nasabing pag-atake na ilulunsad ng mga bandido anumang oras.

Nito lamang nakalipas na araw ay isang lider umano ng mga bandido ang nasawi matapos na malason sa pagkain gayundin ang ilan nitong mga tauhan na pawang nakaramdam ng matinding pagkahilo at pagsusuka.

Ang nasawing lider ng ASG ay kinilalang si Sahi Parad na umano’y nagkukuta sa liblib na bahagi sa bayan ng Kalinggalang.

Napag-alaman pa sa ulat na ang bangkay ni Parad ay inilibing na umano sa ilalim ng tradisyong Muslim sa nasabing bayan.

Sinabi pa sa ulat na maliban kay Parad ay ilan na rin umanong lider ng mga bandido ang aksidenteng nasawi sa ‘food poisoning’ na bahagi ng iniumang ng mga itong bitag laban sa tropa ng gobyerno.

Nabatid na ang grupo ay nagpulong umano nitong nakalipas na Linggo upang talakayin kung ano ang kanilang gagawin sa pito pang nalalabing hostage.

Nagpapatuloy naman ang pagtugis ng tropa ng pamahalaan upang durugin ang nalalabi pang puwersa ng ASG na umano’y kaalyado ng international terrorist network na itinatag ng kinatatakutang financier ng grupo na si Saudi billionaire Osama bin Laden. (Ulat ni Roel Pareño)

Show comments