Magsasaka nilikida

GAPAN CITY, Nueva Ecija – Isang 52-anyos na magsasaka ang kumpirmadong nasawi makaraang pagbabarilin ng tatlong hindi kilalang armadong kalalakihan saka itinapon sa liblib na lugar sa Barangay Baluarte sa lungsod na ito noong Biyernes ng Umaga.

Tatlong tama ng bala ng kalibre .45 baril ang tumapos sa buhay ni Evaristo Tecson, may asawa at residente ng Brgy. Lambakin, San Miguel, Bulacan.

Samantala, ang mga suspek na sakay ng Delica van na walang plaka ay biglang naglaho sa madilim na bahagi ng naturang lugar matapos isagawa ang krimen.

Sa ulat na isinumite kay P/Supt. Benjamin Dela Cruz, ibinaba ang biktima mula sa van bago pinagbabaril.

May palagay ang mga imbestigador na dinukot ang biktima sa sariling bahay at dinala sa nabanggit na barangay saka pinatahimik. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments