Kinilala ni Atty. Pedro Roque, hepe ng NBI sa Nueva Ecija, ang mga suspek na sina PO3 Claro Concepcion ng Cabanatuan Traffic Division; utol, nitong si Gil Concepcion; Brgy. Kagawad Crisostomo Rosimo; mga kasapi ng Bantay Bayan na sina Julio Camillo, Guillermo Parumog, Crisanto Estrada, Cresencio Santos, Rodolfo Juan, Roming Agustin, Charlie Major, at anak na si Dominga Major.
Ang kaso ay isinampa ng NBI sa opisina ni City Prosecutor Mario del Rosario upang magsagawa ng preliminary investigation tungkol sa pagkakapatay kay Renato "Niño" Rayo.
Base sa ulat ng NBI, dinakip ng mga suspek sa pangunguna ni PO3 Concepcion ang biktima dahil sa pagpapaputok ng baril sa kanilang barangay saka dinala sa Cabanatuan police station upang ikulong.
Ayon pa sa ulat, napuna ng nakabantay na pulis na si PO3 Ramon Balbuena ang biktima na nahihirapang maglakad na pinaniniwalaang pinahirapan muna bago ikinulong.
Sa loob ng selda ay nagsisigaw na ang mga kasamahang preso na nahihirapang huminga ang biktima kaya dinala sa ospital ngunit idineklarang patay na. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)