P36-M barko sinunog ng NPA rebels

Tinatayang aabot sa halagang P36-milyong cargo vessel at generator ang sinunog ng makakaliwang grupo na ikinasugat ng malubha ng apat na rebelde makaraang makasagupa ang tropa ng militar sa Barangay Masagana, Dilasag, Aurora kamakalawa ng gabi.

Sa nakarating na ulat kahapon sa Camp Aguinaldo, naitala ang pangyayari dakong alas-7:30 ng gabi matapos salakayin ng mga rebelde ang Diapitan Resources Development Corporation sa naturang lugar.

Kaagad na sinunog ng mga rebelde ang malaking generator at LCT cargo vessel dahil sa hindi pagbibigay ng revolutionary tax ng may-ari ng kompanya.

Nakarating sa kaalaman ng tropa ng Phil. Army at pulis-Dilasag ang pangyayari kaya mabilis na rumesponde at nakipagpalitan ng putok sa mga papatakas na rebelde na tumagal ng may ilang minuto.

Kinumpirma naman ng militar na may apat na rebelde ang malubhang nasugatan sa sagupaan dahil sa maraming dugo sa pinagdaanan ng mga NPA na pinalalagay na binitbit ng kanilang kasamahan.(Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments