Sa dalawang pahinang desisyon ni Acting Ombudsman Margarito Gervacio Jr., pinawalang-sala sina Nueva Vizcaya Governor Rodolfo Agbayani at ang labing-apat pang opisyal ng lokal na pamahalaan dahil sa kakulangan ng matibay na ebidensya na magdidiin laban sa kanila.
Pinagbasehan ni Ombudsman Gervacio na ipawalang-sala ang mga akusado dahil sa rekomendasyon ni Deputy Ombudsman for Luzon Jesus Guerrero noong Sept. 30 ngunit natanggap lamang noong Oktubre 11, 2002.
Kabilang sa pinawalang-sala sina Basilio Rupisan, provincial officer; Virgilio Tiongso, provincial administrator; Dominador Dacumos at Perfecto Martirez, provincial accountant at treasurer; Frederico Andaya, Felipe Panganiban, Alejandre Tamani, Cezar Serenilla, Miguel Jubay Jr., Tomas Garra, Christopher Seraspi, Benjamin Daguioag at Ma. Theresa Saddul-Basilio.
Magugunitang, sinampahan ng kasong graft and corruption ng Sangguniang Panlalawigan na pinamumunuan ni Vice Governor Luisa lloren-Cuaresma si Governor Agbayani at iba pa dahil sa umanoy paggamit ng pondo na P25-milyon noong panahon ni dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada.
Inakusahan ng Sangguniang Panlalawigan ang mga akusado na ginamit ang nabanggit na pera sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal (NVAT) na walang pahintulot sa ibang opisyal.
Sinabi naman ni Governor Agbayani na sa ilalim ng batas ay may awtoridad siyang ipamahagi ang pondo kapag sa kapakanan ng taumbayan. (Ulat ni Charlie C. Lagasca)