Ibinulgar ni Philippine Army 4th Infantry Division commander, Major General Alfonso Dagudag na may dalang P5 milyong kinita nito sa pangingidnap si Radullan Sahiron na nauna na nitong ipinangako na hahatiin sa MILF sa pamumuno ni Commander Bravo at sa mga splinter group ng Moro National Liberation Front (MNLF) bilang pagsasanib ng kanilang grupo.
Ngunit, naging suwapang sa pera si Sahiron at matapos na mapikon si Commander Bravo ay inumpisahan na nitong pasabugan ng mortar ang posisyon ng mga Abu Sayyaf.
Idinetalye ni Dagudag na nag-umpisa ang bakbakan dakong alas-6:20 ng umaga sa bayan ng Sultan Gumander habang unti-unti namang lumalapit ang puwersa ng militar.
Nag-umpisang makihalo sa labanan ang militar dakong alas-8 na ng umaga kung saan agad na binomba ng OV-10 bombers, MG-520 gunships at artillery ang naturang lugar bago pasukin ng mga sundalo. Umaabot naman sa 30 Sayyaf at rebeldeng MILF ang naitalang nasawi na.
Pinabulaanan naman ni MILF spokesman Eid Kabalu ang naturang ulat ng AFP kung saan inakusahan din nito ang mga militar na siyang sumalakay sa kanilang kampo na nag-umpisa ng kaguluhan.
Nagsampa na ng reklamo sa Committee on the Cessation of Hostilities si Gen. Dagudag ngunit nagpatuloy pa rin ang mga rebeldeng MILF sa pakikidigma. (Ulat ni Danilo Garcia)