Ganap na alas-4:10 ng hapon ng gulantangin ng sumabog na bomba ang mga pulis na nasa loob ng Camp Pantaleon Garcia sa Imus, Cavite may 15 metro lamang ang layo mula sa naturang opisina.
Ilan sa mga nakasaksi sa pangyayari ang nagsabi na bago maganap ang pagsabog ay isang kotseng Revo na kulay asul ang ilang ulit na umaaligid sa naturang kampo saka biglang nagbukas ang pintuan at inihagis ang malaking bag na pinaniniwalaang nilagyan ng bomba.
Kabilang sa nawasak at basag ang salamin ng mga bintana dahil sa pagsabog ay ang opisina ni P/Chief Insp. Arden Amogod, hepe ng Cavite CIDG; Mitsubishi na kulay pula (PNU-914); Toyota Corolla gray (TSK-721) na pag-aari ng dalawang pulis-Cavite at ang isa pang kotseng puti (WGN-444) na pag-aari naman ni Enrico Tagle na kasalukuyang dumaraan ng maganap ang pagsabog.
Apektado naman ang pandinig ng mga pulis partikular na ang mga reporter na nasa loob ng press office malapit sa kinasabugan ng bomba.
Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa naganap na pagsabog maliban sa malalim na hukay sanhi ng pinasabog na bomba.
Sinisilip din ang anggulong may kinalaman sa mga kasong hinahawakan ng mga ahente ng CIDG na may malaking galit sa kanila. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)