Walang nagawa ang kalibre .38 rebolber ng estudyanteng si Jeric Ryan Lopez sa matataas na kalibreng armas ng mga tumutugis sa kanya nang ang barilan ay humantong sa Brgy. Lower Brookside na siyang pinakamataong lugar sa lungsod ng Baguio.
Walong tama ng bala na pawang mga fatal gunshot wounds ang tinamo ni Lopez mula sa mga awtoridad na hinihinalang nagmalabis sa paggamit ng kanilang kapangyarihan.
Sa ibinigay na ulat ng Baguio City Police, sinasabi dito na si Lopez at hindi pa nakikilalang kasama ay nagpaputok ng kanilang baril sa harapan ng Saint Louis University, Bonifacio Rotonda, dakong alas-9:45 ng gabi noong Huwebes.
Ang insidente ay naipagbigay alam sa nagpapatrulyang CPMF na agad na tinungo ang lugar ng insidente.
Nang makita umano nina Lopez at kasama ang mga armadong pulis ay agad na sinalubong ito ng putok ng baril, pero mabilis ding gumanti ang mga ito at tinugis ang papatakas na si Lopez at kasama.
Sina POs 2 Danilo Caranto at Nielson Salangan ang tumugis kay Lopez habang ang iba pang miyembro ng CPMF ang humabol naman sa kasamahan nito.
Sinasabing nasukol si Lopez nang magtago ito sa isang gate habang nakikipagpalitan ng putok kina Caranto at Salangan.
Makaraan ang ilang minutong barilan ay bumagsak si Lopez na tadtad ng bala ang katawan ngunit isinugod pa rin ito nina Caranto at Salangan sa Baguio General Hospital kung saan ito nalagutan ng hininga.
Isang identification card na nakuha sa katawan ni Lopez ang nagbigay ng identity nito at nagsasabi rin na ito ay tubong Quirino province.(Ulat ni Artemio A. Dumlao)