84 examinees lumusob sa Maynila

BASCO, Batanes – Aabot sa walumpu’t apat katao na kinabibilangan ng mga obrero, katulong, drayber, magsasaka, mangingisda at government casual employees ang napaulat na lumusob sa Metro Manila upang kumuha ng Licensure Examination for Teachers (LET) sa Linggo, Agosto, 25, 2002.

Ang mga magsisikuha ng examination na pinaniniwalaang nagtapos mula sa Batanes Polytechnic College at St. Dominic College noong nakalipas na school year ay nakaluwas na ng Maynila simula pa noong nakaraang linggo.

Ngunit apatnapu pang nagtapos sa kolehiyo ay hindi na makakakuha ng nabanggit na examination dahil sa mataas na presyo ng pasahe sa eroplano patungo sa Maynila.

Halos lahat nang kukuha ng nabanggit na examination ay working students kaya nagsikap na makatapos ng kolehiyo.

Karamihan sa babaeng nagtapos ng kolehiyo ay katulong sa bahay, tagapag-alaga ng bata at labandera, samantala, ang mga kalalakihan naman ay construction laborers, magsasaka at mangingisda.

Pero ang ibang government casual employees ay sinuportahan ng ilang pulitiko kaya masuwerteng makakakuha ng examination.

Ayon sa mga examinee na first time silang magtutungo sa Maynila dahil sa noong nakaraang test ay ginanap sa Tuguegarao City sa Cagayan at ang iba naman ay nagrereklamo dahil sa nilagpasan na naman ang kanilang lalawigan na sana’y pagdausan ng naturang examination upang walang gastos sa pamasahe. (Ulat ni Jack Castano)

Show comments