4 dinukot ng Pentagon, nasagip

Binigo ng puwersa ng 7th Infantry Battalion ng Philippine Army ang kahambugan ni Pentagon kidnap for ransom leader Faisal Marohombsar nang mailigtas ng mga ito ang apat na kataong dinukot nito noong Miyerkules na kinabibilangan ng mayamang mag-asawang negosyante, driver at katulong ng mga ito.

Unang na-rescue ng miyembro ng 7th Infantry na bumubuo ng Task Force GenSan si Gaudencio Villasor Jr., trader ng agricultural products at dating Board Member.

Napaslang sa isinagawang rescue operation kamakalawa ang isa sa mga lider ng kilabot na Pentagon na si Commander Thor Macamanman sa bulubundukin ng Tantangan, South Cotabato.

Sa patuloy na pagtugaygay ay nakubkob sa ikalawang araw ng puwersa ng militar ang pinagkukutaan ng mga kidnappers at ng mga bihag sa Brgy. Tumadinid, Bayan ng Tantangan kung saan unang nailigtas ang katulong na si Jovelyn Canaan dakong alas-4:37 ng hapon kahapon.

Kulang sa dalawang oras makaraang mapalaya si Canaan ay sabay namang nailigtas ng tropa ng militar ang maysakit na ginang na si Carmen Villasor at driver nitong si Arios Abang dakong alas-6:30 kagabi sa isang liblib na lugar di kalayuan sa lugar kung saan unang nai-rescue si Canaan.

Matatandaan na lulan ng Mercedez Benz van na may plakang LDG-827 ang mga biktima noong Miyerkules ng umaga nang ito ay harangin ng mga kidnappers na armado ng matataas na kalibre ng baril na pinamumunuan ni Tahir Alonto at Kagui Abdulbayan ang mga biktima at dalhin sa kuta nito sa Tantangan.

Sinabi naman ng mayor ng bayan ng Mlang na si Luigi Cuerpo na posibleng natiktikan ng mga kidnappers ang madalas na biyahe sa Gen. Santos ng mag-asawa bunsod na rin ng regular na dialysis ni Carmen sa St. Elizabeth Hospital Gen. Santos City.

Napag-alaman mula sa unang nailigtas na si Villasor na P30 M ang hinihinging ransom ng mga kidnappers para sa kalayaan ng asawa nitong maysakit at ng dalawa pang bihag.

Pero pinanindigan ng militar ang no-ransom policy nito at sa pamamagitan ng intelligence unit ng 6th Infantry Division ng Army ay naging madali upang matukoy ng mga ito ang pipinagkukutaan ng mga kilabot na miyembro ng Pentagon.

Wala pang opisyal na ulat kung may nasawi sa nabanggit na rescue operation. (Ulat nina Boyet Jubelag, Danilo Garcia at John Unson)

Show comments