Holdaper todas sa shootout

DASMARIÑAS, Cavite – Isang holdaper ang kumpirmadong napatay matapos na mangholdap sa taxi driver at makipagbarilan sa mga kagawad ng pulisya sa kahabaan ng Salitran-Salawag road sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Ang suspek na nakilala sa pamamagitan ng dalang driver’s license ay si Deonito Prudenciado ng Block 176, Lot 11 Phase 4, Brgy. Paliparan 3 sa bayang ito.

Samantala, nakilala naman ang hinoldap na taxi driver na si Rogelio Manabat, 49, may asawa ng 1748 Cahilum 1, Pandacan, Maynila.

Sa ulat ni SPO1 Wency Tubay, sumakay ng taxi (PYG-292) ang suspek sa Baclaran upang magpahatid sa Golden City, Brgy. Salawag, Dasmariñas, Cavite.

Habang bumabagtas sa kahabaan ng nabanggit na lugar ay nagdeklara ng holdap ang suspek kaya napilitang ihinto ni Manabat ang minamanehong taxi hanggang sa pababain siya at itakas naman ang taxi.

Kaagad naman humingi ng tulong ang biktima sa pulisya upang habulin ang suspek at bandang alas-12:30 ng hatinggabi ay nasabat naman ang holdaper at nakipagbarilan imbes na sumuko kaya napatay. (Ulat ni Cristina Timbang)

Show comments