Kinidnap na Indons namataan sa kagubatan ng Sulu

Namataan ng ilang mga residente ang tatlong kinidnap na Indonesian nationals na kasamang tumatakbo ng mga pinaghihinalaang bandidong Abu Sayyaf Group na dumukot sa mga ito sa kagubatan ng Luuk, Sulu.

Ito ang nabatid kahapon sa isang mataas na opisyal ng Phil. Marines base na rin sa ipinarating na report ng kanyang mga tauhan na pangunahing nagsasagawa ng operasyon upang mabawi ang dinukot na mga Indonesian nationals.

Ang mga bagong bihag na sina Muntu Jacobus Winowatan, Captain, Julkipli, Chief Officer at Peter Lernch, Chief Engineer, pawang crewmen ng na-seajack na Indonesian tug boat M/T Sintel Marine 88 na galing Indonesia noong nakalipas na Hunyo 17 habang naglalayag sa pagitan ng karagatan ng Basilan at Sulu.

Nauna nang narekober ng militar ang isa pang kasamahan na si Ferdinand Joel, Second Deck Officer sa Brgy. Niangkaan, Luuk ng nabanggit na lalawigan.

Sa kasalukuyan ay puspusan ang isinasagawang search and rescue operations ng 3rd Marine Brigade sa pamumuno ni Col. Renato Corona sa grupo ng mga bandido na bumihag sa mga Indonesian nationals. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments