17-anyos pumalag sa 2 rapist, dinedo

BINANGONAN, Rizal – Isang 17-anyos na graduating student sa high school ang napaulat na pinatay sa sakal at pagpalo ng matigas na bagay sa ulo ng dalawang adik sa droga makaraang pumalag sa maitim na balak ng mga suspek sa naturang lugar.

Ang biktima ay nakilalang si Maritess Gacita, 4th year high school student, samantala, ang mga suspek ay nadakip sa isinagawang follow-up operation ay nakilalang sina Ariel Abuda, 25 at Gilbert Paclibare, 27 na kapwa residente ng Rotary Ville, Brgy. Darangan ng bayang ito.

Napag-alaman pa sa ulat ng pulisya na ang biktima ay nawawala pa noong Pebrero 28 kaya nag-alala ang mga magulang sa hindi nito pag-uwi sa kanilang bahay sa Quezon City.

Nabatid pa na pansamantalang naninirahang mag-isa ang biktima sa naturang lugar upang tapusin ang pag-aaral sa high school ngunit pinagtangkaang gahasain ng dalawang suspek na lango sa droga.

Dahil sa lumutang ang isang kabarkada ng dalawang suspek na naikuwento sa kanya ang pangyayari ay kaagad na ipinagbigay-alam sa kinauukulan ang naganap na trahedya. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments