Rapist na ama hinatulan ng 3 bitay

MALOLOS, Bulacan – Pinatawan ng hatol na tatlong beses na bitay ang isang 45-anyos na lalaki makaraang mapatunayan ng korte na ginahasa nito ang kanyang anak-anakang babae noong 1996 hanggang 1997 sa kanilang bahay sa Brgy. San Roque, Malolos, Bulacan.

Sa anim na pahinang desisyon ni Malolos Regional Trial Court Branch 78 Judge Gregorio S. Sampaga, hinatulan ng tatlong ulit na mabitay ang akusadong si Arturo Domingo, isang matadero ng nabanggit na barangay.

Bukod sa hatol na tatlong beses na bitay ay pinagbabayad pa ang akusado sa kanyang biktimang 17-anyos na dalagita ng halagang P.4 milyon bilang moral damages.

Base sa record ng korte, nagsampa ang pulisya laban sa akusado ng limang counts ng rape makaraang magreklamo ang biktima ngunit dalawa dito ay ibinasura dahil sa kawalan ng ebidensya.

Itinanggi naman ni Domingo ang akusasyon sa kanya bago nagbigay ng alibi ngunit binalewala ng korte ang lahat ng mga ito.

Binigyan ng halaga ng korte ang lahat ng sinabi ng biktimang estudyante ng Bulacan State University sa naganap na krimen kaya hinatulan ng tatlong beses na bitay ang suspek. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments