5-anyos na-shotgun ng tiyuhin

GENERAL TRIAS, Cavite – Wasak ang dibdib at agad na namatay ang isang 5-anyos na batang babae makaraang pumutok ang pinaglalaruang shotgun na pilit inagaw ng tiyuhin kamakalawa sa Brgy. San Francisco ng bayang ito.

Ang biktima ay nakilalang si Princess Quitna, residente ng Tropical Village ng nabanggit na lugar.

Samantalang ang suspek na kasalukuyang nakakulong sa himpilan ng pulisya ay nakilalang si Rogelio Aspa, 16, nakatira din sa nabanggit na lugar.

Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Victorino Patam, may hawak ng kaso, naganap ang insidente bandang alas-2:15 ng hapon nang makita ng suspek na pinaglalaruan ng biktima ang homemade shotgun.

Pilit umanong inagaw ng suspek ang baril subalit nang kanya itong makuha ay aksidenteng nakalabit nito ang gatilyo ng baril na nakatutok sa biktima at tinamaan ito sa dibdib. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments