8 sugatan sa karambola ng 3 bus at kotse

SAN JOSE CITY – Walo katao ang nasa malubhang kalagayan sa pagamutan matapos na magkabanggaan ang tatlong aircon bus at isang kotse sa kahabaan ng Maharlika Highway, Sitio Lomboy, Barangay Tayabo ng lungsod na ito, kahapon ng madaling araw.

Agad na isinugod sa San Jose City General Hospital ang mga biktima na nakilalang sina Maria Quilang, 55, at Jennifer Sinampan, 16, kapwa ng Andarayan Solana Cagayan; Gina Taguino, 28, ng Pajo, Caloocan City; Feliza Casasola, 49; ng Maragondon, Cavite; Chanaefeye Luz, 3; ng Malasin, Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya at tatlong iba pa.

Lumalabas sa imbestigasyon na dakong alas-12:45 ng madaling araw patungo sa direksyong norte ang Alladin Bus (TVY-114) nang mag-overtake sa kotse, ngunit hindi nito naiwasang mabundol ang kasalubong na Dalin Liner (BVH-966) na patungong Metro Manila.

Dahil sa lakas ng pagkabundol, natulak pabalik ang Dalin Liner at nagkaroon ng chain reaction sa mga kasalubong na sasakyan. Nabundol nito ang Toyota Corolla (UEH-587) at nabundol naman ang nasa likuran nitong Auto Bus (AYC-103).

Pito sa mga biktima ay pawang mga pasahero ng Dalin Liner Bus habang ang paslit na si Luz, ay pasahero ng kotse.

Pinaghahanap ngayon ng San Jose City Police ang driber ng Alladin Bus na si Leonardo Natividad, ng Maura, Apari, Cagayan, na tumakas matapos ang nasabing aksidente. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments