Drivers at conductors ng JAC Liner nagpiket kahit Pasko

LUCENA CITY – Hindi pinatawad ng 40 empleyado ng JAC Liner ang araw ng Pasko makaraang magsagawa ang mga ito ng rally sa Grand Central Terminal sa Barangay Ibabang Dupay sa lungsod na ito dahil sa pagkabigong ibigay ng kanilang kumpanya ang mga benipisyong dapat ay napasakamay nila ngayong holiday season.

Ang mga empleyado na binubuo ng mga bus drivers at conductors na mga kasapi ng JAC Liner Employees Union at pinamumunuan ng isang Rodelio Avellana ng San Pablo City ay nag-umpisang magsagawa ng barikada sa harap ng opisina nila sa nasabing terminal dakong alas-10:45 ng gabi.

Wala ni isa ang bumiyahe patungo sa Metro Manila sa kabila ng pagdagsa ng mga pasahero at ilan sa mga empleyadong nagpiket ay may hawak na plakard na nagsasaad sa pagkondena sa management ng JAC Liner.

Ilan sa mga hinaing ng mga empleyado sa kanilang management ay ang illegal deduction, illegal detention at di pagbibigay ng 13th month pay at ang problemang ito ay nagsimula pa umano noong nakalipas na Nobyembre ng taong kasalukuyan.

Binanggit naman ni Grand Central Terminal Manager Benjamin Conchangco na ihahabla niya ang mga nagpiket ng mga empleyado kapag hindi umalis ang mga ito sa kanilang mga kinatatayuan. Batay sa house rules ng terminal, bawal magsagawa ng piket o lock-out ang mga drivers at conductors lalo’t kung maaapektuhan ay ang mga riding public. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments