Mag-ama binistay ng bala ng MILF lost command

Magkasamang ililibing sa hukay ang isang Brgy. chairman at anak nitong lalaki matapos silang bistayin ng bala ng mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) Lost Command sa SK Pendatun, Maguindanao, kamakalawa.

Kapwa namatay noon din sina Brgy. chairman Datu Limbang Mamaluba at anak nitong si Mohamad matapos na magtamo ng bala sa ulo at dibdib.

Batay sa report ng Camp Crame,dakong alas-12 ng tanghali ay lulan ng motorsiko ang mag-ama at binabaybay ang bisinidad ng Brgy.Lumabao patungo sa Tacurong,Sultan Kudarat nang bigla na lamang paulanan ng bala ng mga suspek ng M16 rifles.

Duguang tumilapon sa motorsiklo ang mag-ama at bago tumakas ang mga suspek ay nilapitan pa ito at muling pinagbabaril. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments