8.5 Kilong marijuana nasamsam

CAMP OLIVAS, Pampanga – Umaabot sa 8.5 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nakumpiska ng mga tauhan ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Tarlac Provincial Police Office (TPPO) sa isinagawang pagsalakay sa isang bahay sa Sitio Masibucan, Barangay Mapalaciao, Tarlac, kamakalawa ng hapon.

Sa ulat na tinanggap ni Tarlac Provincial Police Office (TPPO) Director P/Sr. Supt. Mario Sandiego, ang naturang pagsalakay ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng 306th CIDT Field Office, Tarlac-PNP at ng DEU operatives sa bahay ng naarestong suspek na si Joel Pineda, 32, ng Sitio Masibuca sa naturang lugar dakong alas-4:00 ng hapon.

Ang pagsalakay ay base sa ipinalabas na search warrant ni Judge Marvin Mangino ng Municipal Trial Court (MTC) ng nabanggit na lungsod.

Nabatid sa ulat ng pulisya, nadiskubre sa bahay ng suspek ang may 8.5 kilo ng compress dried marijuana leaves na pawang nakasilid sa mga malalaking paper bag at tinatayang nagkakahalaga ng P100,000.

Kasalukuyang dinala si Pineda sa Camp Macabulos sa Tarlac upang pansamantalang ikulong habang inihahanda ng mga awtoridad ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban dito. (Ulat ni Jeff Tombado)

Show comments