Ang naturang sobre ay may nakasulat sa labas nito ng mga international figures na katulad nina US President George W. Bush, Lee Kwan Yew, Nelson Mandela, Kim Dae Jung, Bill Gates at iba pa.
Dinala ang nasabing sobre sa police headquarters ng isang Milagros Lao, 74, residente ng C.M. Recto st., Barangay 6.
Ayon sa salaysay ng matanda, bandang alas-10 ng umaga kahapon ng matanggap niya ang nasabing sobre na naka-address sa kanyang anak na si Ma. Victoria Palacio na nasa Singapore.
Dahil sa takot sa mga nababalitaan sa Kamaynilaan at Estados Unidos bunga ng antrax sa mga ipinadadalang sulat at sa pagkakita sa mga pangalang nakasulat sa labas ng sobre, hindi na binuksan ng matanda ang sobre bagkus ay dinala ito sa himpilan ng pulisya.
Wala naman ni isang miyembro ng pulisya ang nagtangkang magbukas ng sulat dahil sa pangamba na may laman itong anthrax virus.
Hindi rin malaman ng mga awtoridad kung ano ang gagawin sa sobre matapos na ito ay maitala sa blotter.
Sa kahalintulad na pangyayari, noong isang araw ay nahintakutan din ang mga empleyado ng Quezon Governors Office makaraang tumanggap sila ng sulat na naka-address kay Governor Wilfrido Enverga. Itinapon na lang ang sulat dahil sa takot. (Ulat nina Tony Sandoval at Celine Tutor)