Kinilala ni P/Supt. Romeo Caringal, hepe ng pulisya ng bayang ito ang mga nasawing biktima na sina Myra Diño, 23, ng Brgy. Bucal 4, Maragondon; Cecil Aquino, 21, ng Brgy. Mabacao, Maragondon; Jeniffer Bello ng Bacoor; Maricel Riva ng Brgy. Bucal; Marlyn Pariñas at Josephine Daud, 27, ng Brgy. Bucal 3, Maragondon, Cavite.
Samantala, ang mga grabeng nasugatan na ngayon ay nasa ibat ibang ospital ay kinilalang sina Ronaldo Barachina, 24; Maricel Bedonio; Rochel Ramirez; Marny De Villa; Florenze Diones; Marilou Orte; Maricel Poblete; Melissa Ruel; Lilibeth Benitez; Marjorie Gaton; Priscilla Ilago; Nenita Bendo at isa pang hindi nabatid ang pangalan.
Ang mga nasawi at grabeng nasugatang biktima ay pawang mga manggagawa ng Cavite Export and Processing Zone Authority (CEPZA) sa Rosario, Cavite at katatapos pa lamang ng kanilang trabaho bago nagsisakay sa nasalpok na pampasaherong jeepney na minamaneho ni Barachina.
Sa inisyal na pagsisiyasat ni PO3 Celino Javier, may hawak ng kaso, naganap ang pangyayari dakong alas-7:30 ng umaga sa kahabaan ng naturang highway.
Ayon sa pulisya, mabilis na nilampasan ng isang Saulog bus patungong Maynila na may plakang DVS-360 ang nasa unahang sasakyan subalit hindi nito napuna ang kasalubong na sinasakyang pampasaherong jeepney na may plakang VAX-337 na sinasakyan ng mga biktima kaya ito sumalpok na naging sanhi ng kamatayan ng anim na biktima.
Kasalukuyan namang tinutugis ng pulisya ang tumakas na driver ng pampasaherong bus na nakilalang si Reynaldo Ariola upang magbigay linaw sa naganap na malagim na trahedya. (Ulat nina Cristina Go-Timbang at Mading Sarmiento)