Mag-ina kinatay

PILAR, Bataan – Isang mag-ina ang pinagputul-putol ang katawan hanggang sa mapatay ng dating kalaguyo ng una makaraang tumangging makipagbalikan, kamakalawa ng madaling araw sa Brgy. Sta. Rosa ng bayang ito.

Kinilala ng pulisya ang tsinap-chop na mag-ina na sina Cynthia Calimbas, 30, may asawa, empleyado ang CBI Company at anak nitong si A.J. Calimbas, 2-taong gulang at residente ng nabanggit na lugar.

Samantala ang suspek na ngayon ay tinutugis ng pulisya ay kinilalang si Reynaldo Ramos Trinidad, may sapat na gulang, tubong Tondo, Manila at residente ng Brgy. Lote Rivas, Balanga, Bataan.

Ang bangkay ng mga biktima na pinagputul-putol ay natagpuan ng pulisya na nakalagay sa itim na plastic bag sa bahay ng suspek na posibleng itapon sa ilog ng Sta. Rosa.

Batay sa ulat ng pulisya na nakalap sa ilang kapitbahay, bandang ala-1:30 ng madaling araw nang dumating ang mag-ina mula sa isang party ng bumungad sa harapan nito ang suspek na nakaupo sa sala ng bahay.

Ayon pa sa imbestigasyon ng pulisya na isinumite kay P/Supt. Rodolfo Detecio, hepe ng pulis ng bayang ito, nagkaroon ng mainitang pagtatalo tungkol sa pagtanggi ng biktima na makipagbalikan dahil sa darating na umano ang asawa nito buhat sa ibang bansa.

Dahil sa sinabi ng biktima na hindi na siya makikipagbalikan pa ay nairita na ang suspek at kinuha ang nakasukbit sa dingding na jungle bolo bago tsinap-chop ang mag-ina.

Ayon pa sa ulat ng pulisya, ilang mga kapitbahay ng biktima na namataan ang suspek na may dalang itim na plastic bag nang umalis ng bahay ng mag-ina pero hindi nila batid ang laman. (Ulat ni Jonie Capalaran)

Show comments