Ito ang nabatid kahapon sa National Disaster Coordinating Council (NDCC) base sa ulat ng Health Emergency Management Service (HEMS) operation center.
Ayon sa ulat, na-monitor ang pagkakasakit ng may 1,491 pamilya o kabuuang 6,146 indibidwal sa mga bayan ng Malilipot, Tabaco, Guinobatan.
Kabilang sa mga naging sakit ng mga tao rito ay lagnat, ubo at sipon, trangkaso, diarrhea, sakit sa balat, eye iritation sanhi ng ashfall, at iba pa.
Samantala, 24 oras ding pinagbabantay sa mga evacuation centers ang Albay Provincial Health team upang maiwasang lumala pa ang mga sakit na dumapo sa mga biktima at mapigilang makahawa pa ang mga ito.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 51,000 katao mula sa 10,369 pamilya ang inilikas mula sa 37 barangay ng Ligao, Tabaco at Legaspi, gayundin sa bayan ng Malilipot, Sto. Domingo, Camalig, Daraga at Guinobatan. Ang mga ito ay kinukupkop sa 29 evacuation centers na nakakalat sa ibat ibang bahagi ng Albay.
Kaugnay nito, kinumpirma ng government volcanologists na nasa likod ng yugto ang ipinakikitang abnormalidad ng Mayon volcano na nagbabadya ng higit pang malalakas na pagsabog na tatagal hanggang sa susunod pang dalawang linggo.(Ulat nina Joy Cantos at Ed Casulla)