Ito ang inihayag kahapon ni P/Supt. Jesus Versoza, Acting Director ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) matapos na maaresto ang lokal na opisyal na kinilalang si Sta. Fe Mayor Gaudioso Fajardo, Jr.
Si Fajardo ay nadakip ng mga elemento ng 8th Regional CIDG sa tulong ng tatlong civilian volunteers habang pasakay sa eroplano ng Philippine Airlines sa airport ng Tacloban City patungong Maynila dakong alas-7:15 ng umaga kamakalawa.
Nabatid na ang alkalde na nagwagi noong 1995, 1998 at muling nanalo bilang reelectionist ay inaresto base sa ipinalabas na hatol ng Regional Trial Court-Pasig City Branch 156 Judge Martin Villarama sa nasabing kaso noong 1989 alinsunod sa isinampang kaso ng mga biktimang sina Ramon Junio at Rosa Rebustillo.
Ayon sa PNP-CIDG, sa kabila ng matagal nang naigawad ang hatol laban kay Fajardo ay hindi ito nadarakip at pinaniniwalaang may mga kinutsaba ito upang hindi mabatid ng mga awtoridad na mayroon itong warrant of arrest at malinaw na ginamit nito ang kaniyang kapangyarihan bilang alkalde sa loob ng mahabang termino.
Base pa sa ipinalabas na desisyon ni Villarama, hinatulan si Fajardo ng 12 hanggang 14 taong pagkakabilanggo sa kasong illegal possession of ammunition at tatlo hanggang anim na taon naman para sa kaso nitong estafa. (Ulat ni Joy Cantos)