Barangay tanod tinodas dahil sa pagong

CANDELARIA, Quezon – Isang barangay tanod ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng kanyang kapitbahay matapos na pagbintangan ng una ang huli na nagnakaw ng kanyang alagang pagong, kamakalawa ng umaga sa Barangay Malabanan Sur sa bayang ito.

Ang biktima na nagtamo ng isang tama ng bala ng baril sa kanyang puson ay nakilalang si Narciso Lirac, 40, may-asawa, habang tinutugis naman ngayon ang tumakas na suspect na si Redentor Arable na kapwa mga residente ng naturang barangay.

Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Florentino Manalo, officer on case na dakong alas-8:30 ng umaga ay galit na galit na tinungo ng biktima ang bahay ng suspect at kinompronta ito tungkol sa pagkawala ng kanyang alagang pagong.

Pinagpipilitan umano ng biktima na ang suspect ang nagnakaw ng kanyang pagong na bagay namang mahigpit na tinanggihan ng huli.

Sa gitna ng mainitang pagtatalo ay binunot umano ng suspect mula sa kanyang beywang ang isang di pa matukoy na kalibre ng baril saka pinaputukan ang biktima hanggang sa bumulagta sa lupa at pagkatapos ay mabilis na tumakas.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang pulisya tungkol sa tunay na motibo ng pamamaslang. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments