Trike driver tinodas sa palengke

IMUS, Cavite – Labintatlong bala ng kalibre .45 ang bumaon sa katawan ng isang 33-anyos na lalaki mula sa hindi pa nakikilalang suspek matapos balak gumanti ng una sa ginawang pagmumura sa kanya ng huli kamakalawa ng gabi sa loob ng isang palengke ng bayang ito.

Ang biktima na agad nasawi ay nakilalang si Bernardino Cubio, 33, may-asawa, tricycle driver at residente ng Bayanihan Homes, Bgy. Salinas, Bacoor, Cavite.

Sa pagsisiyasat ni SPO3 Reynaldo Magdaluyo na bago naganap ang pamamaril sa biktima ay may nakasagutan itong lalaki sa loob ng palengke at umano ay nagmurahan ang mga ito.

Ayon sa asawa ng biktima na si Gng.Minerva umuwi umano ang kanyang mister na galit na galit at sinabi sa kanya na hindi nito matanggap ang pagmumura sa kanya ng isang lalaki sa loob ng palengke kaya umano reresbakan niya ito.

Muli itong sumakay ng kanyang traysikel at pinuntahan ang kanyang nakasagutan subalit papalapit pa lamang umano ito ng barilin ng suspek bandang alas 7:05 ng gabi.

Samantala mabilis na tumakas ang hindi pa nakiki-lalang suspek dala ang baril na ginamit nito. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments