Kinilala ni PAOCTF chief Hermogenes Ebdane Jr., ang nasagip na kidnap-victim na si Christopher Basario, ng Maynila habang ang mga naarestong suspek ay nakilalang sina Likad Saripada Raurak, 30; Raga Saripada Mamantak, 27 at Coli Ato Mauntol, 60, na pawang residente ng Kapatagan, Lanao del Norte na hindi kinakitaan ng pagsisisi nang ito ay iharap sa mga media.
Ayon kay Ebdane, dinukot ng mga suspek ang biktima na noon ay dalawang taong gulang pa lamang noong Disyembre 1999 sa Divisoria, Maynila.
Marunong magsalita ng Tagalog si Basario subalit natuto itong magsalita ng Maranao dahil sa halos 15 buwan sa kamay ng mga suspek
Naging matagumpay ang rescue operation sa tulong na rin ng ina ng biktima na si Ma. Theresa Basario na matiyagang nakipagtulungan sa mga awtoridad.
Sinabi naman ni Raurak na humingi siya ng pera sa magulang ng biktima nang mabalitaan nito na ito ay hinahanap ng kanyang mga magulang.
Ang biktima ay ipinagkatiwala lamang umano kay Raurak ng isang kaibigan at ng ito ay umalis patungong Saudi Arabia ay wala na siyang maipanustos sa mga pangangailangan nito kaya nagawa niyang humingi ng pera sa magulang para umano sa bayad sa kanyang ginawang pag-aaruga dito.
Sinabi rin ni Raurak na ang kanyang dalawang kasama ay walang alam sa kaso at dapat siya lang ang magdusa.
Ang mga naarestong suspek ay kasalukuyang nakapiit sa Camp Crame custodial center at nahaharap sa kasong kidnapping. (Ulat ni Rudy Andal)