Mag-asawa na nakabasag ng gin, pinagsasaksak

DASMARIÑAS, Cavite – Nasa kritikal na kalagayan ang isang mag-asawa matapos na sila ay saksakin ng isang lasenggero na nagalit dahil sa hindi sinasadyang natabig ang isang boteng gin na may laman sa isang inuman kamakalawa ng gabi sa Bgy.Sampaloc 4 ng bayang ito.

Ang mag-asawa na inoobserbahan sa J.P. Hospital ay nakilalang sina Cyril, 24 at Allan Erni na kapwa nakatira sa Bgy. Halayhay, Tanza.

Ang suspek na naaresto ay nakilalang si Albert Ablan, residente ng Blk. 47, Phase 3, Cityhomes Subd. Bgy. Sampaloc 4.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya na dakong alas 11:15 ng gabi ay dumalaw ang mag-asawa sa bahay ng isa nilang kamag-anak at nadatnan ng mga ito ang suspek na nag-iinuman sa kanilang daraanan. Nang dumaan ang mag-asawa ay aksidenteng nabangga nito ang bote ng gin na bumagsak sa lupa at nabasag.

Humingi ng paumanhin ang mag-asawa subalit hindi pinakinggan ng suspek sa halip ay kinuha nito ang patalim sa mesa at isinaksak sa mag-asawa. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments