Ayon kay Roco, maaari umanong bilyon-bilyong pondo na ang naitakas ng sindikatong ito dahil sa laki ng mga halagang kanilang nadiskubre na tangkang itakas ng sindikato gamit ang pekeng pirma ni dating Secretary Andrew Gonzalez.
Sa isang pulong balitaan, inihayag ni Roco na bukod sa mga naunang request na P231,744,826 para sa mga laboratoryo at mga pasilidad sa Cordillera Administrative Region (CAR), Region IX, V at VIII at P191,093,750 sa pagpapalabas ng mga libro para sa Region VI, IX, V at VIII, isa pang request ang nahalungkat na nagkakahalaga ng mas malaking P357,909,998 gamit ang pekeng pirma ni Sec. Gonzalez.
Ang naturang halaga umano base sa request kay Pangulong Arroyo ay para sa paggawa ng mga science laboratories at pagbili ng ibat ibang libro para sa Region V, VI, VII, IX at XII.
Sinabi ni Roco na hindi umano alam ni Gonzalez ang nangyayaring ito sa departamento at malamang na matagal nang nangyayari. Isang organisadong grupo umano ang may kagagawan nito dahil sa ganito rin ang sistemang ginawa sa pamemeke ng pirma ni Acting Defense Secretary Eduardo Ermita upang makakuha rin ng pondo sa DND. (Ulat ni Danilo Garcia)