Nakilala ang mga nasawi na sina Esteban Sanchez, 90; Gil Sanchez, 60; Roque Sanchez, 23; Ruby Sanchez, 8 at Millrose Sanchez, 3, pawang residente ng Doña Clara Village, Concepcion Pequena ng lungsod ng Naga.
Samantala dalawa pang miyembro ng pamilya ang mabilis na isinugod sa Bicol Medical Center at ngayon ay nasa kritikal na kondisyon, sila ay nakilalang sina Rebecca, 36 at anak nitong si Mark Joseph Sanchez, 4.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, ang insidente ay naganap dakong alas-8 ng gabi habang ang mga biktima ay lulan ng kanilang owner type jeep na minamaneho ng nasawing si Roque nang bundulin sa likurang bahagi ng isang rumaragasang AM Trans na may plakang DVH-905 na minamaneho ni Ramon Brizuela patungong Maynila.
Dahil sa lakas nang pagkabundol ay bumangga pa ang sasakyan ng mga biktima sa isang Isuzu delivery truck na minamaneho ni Harry Borre na nasugatan din sa naturang insidente.
Nabatid na ang pamilya Sanchez ay nagbuhat sa bayan ng Tabaco, Albay makaraang bumisita sa kanilang mga kamag-anak at papauwi na sa kanilang bahay ng maganap ang trahedya.
Nabatid pa na inararo ng naturang bus ang sasakyan ng mga biktima na piping-pipi dahil sa lakas nang pagkasalpok.
Mabilis namang tumakas ang driver na si Brizuela matapos ang naturang aksidente. Ito ay pinaghahanap na ng mga awtoridad. (Ulat ni Ed Casulla)