Opisyal ng Comelec, sinampal ng ex-official sa tagal pumirma

DAET, Camarines Norte – Nagsampa ng reklamo sa pulisya ang isang opisyal ng Commission on Elections matapos na siya ay sampalin ng dating election registrar dahil sa hindi agad nito pagpirma sa papeles ng huli kamakalawa sa loob ng Comelec Provincial Office.

Ang biktima na nakilalang si Atty. Liza Cariño, Provincial Election Supervisor ay nagtamo ng pasa sa pisngi at nakatanggap ng masasamang salita mula sa suspek na si Ignacio Gatan, 60, retiradong election registrar at residente ng Purok 2, Brgy. 4 ng nasabing bayan.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dakong ala-1:30 ng hapon ay nagtungo si Gatan sa opisina ni Cariño para papirmahan ang mga papeles nito sa kanyang pagreretiro na dadalhin nito sa Maynila.

Subalit sinabihan umano ni Cariño si Gatan na balikan nito bandang alas-4:30 dahil may nauna pang mga papeles na kinakailangan din nitong pirmahan.

Subalit nang balikan ni Gatan ang kanyang mga papeles, hindi pa rin ito napipirmahan ni Cariño kaya’t galit na kinompronta nito at agad na pinagsasampal at pinagsalitaan ng masasakit na salita.

Ayon naman sa suspek, una siyang sinampal ng biktima kaya’t gumanti lang ito. (Ulat ni Francis Elevado)

Show comments