Base sa ulat ni Superintendent Wilfredo Dulay, OIC, Laguna-PPO kay Superintendent Lucas Managuelod, police regional director 4, nakilala ang mga nadakip na suspect na sina Mabitac Ex- Mayor Felix Carpio, alyas Eling; ang anak nitong si Vice-mayor Judeo at ang gunman na si Jose Era, alyas Joe.
Ang mga nabanggit ay sinasabing pangunahing suspect sa pagpaslang kay SPO3 Francisco Garcia, deputy chief of police sa Mabitac Police Station noong nakalipas na Disyembre sa National Highway, Barangay Nanguma, Mabitac, Laguna.
Ang mga nabanggit ay dinakip sa bisa ng ipinalabas na warrant of arrest na inisyu ni Judge Nicolas Fadul ng 7th Municipal Circuit Trial Court.
Mariin namang pinabulaanan ng mag-amang Carpio ang pagkakasangkot nila sa nasabing krimen at ang maruming pulitika umano ang nasa likod nito.
Unang inaresto ng pulisya ang matandang Carpio sa bahay ng dating Barangay Chairman na si Oscar Tuib sa Barangay San Miguel, Mabitac habang sila ay kumakain at nag-uusap dakong alas- 6 ng gabi sa nasabing lugar.
Kasalukuyang nakapiit ang mag-ama sa Camp Vicente Lim sa Canlubang, Laguna. (Ulat ni Ed Amoroso)