Kinilala ni P/Supt. Antonio Atienza, hepe ng Lipa police, ang barangay captain na si Rolando Navarro, 48, ng Brgy. Kayumanggi, Lipa City.
Dead-on-the-spot si Navarro matapos siyang mabaril ni SPO1 Reynaldo Calingasan ng Batangas Provincial Police Office nang sila’y mag-agawan ng baril at magbuno sa loob ng Mabuhay Restaurant sa C.M. Recto Ave., Lipa City.
Ayon kay Insp. Caesar Aquino, hepe ng Lipa police investigations office, nakatanggap sila ng tawag sa telepono sa isang nagngangalang Vanessa, isang waitress sa Kapit-Kamay Restaurant sa may C.M. Recto, na may isang lalaki na nagwawala at nanutok ng baril.
Ilang sandali pa, isang tawag muli ang nakarating sa police station ng Lipa galing naman sa isang Mrs. Jasmin Morfe, may-ari ng Mabuhay Restaurant, na ayon sa kanya, lumipat naman si Navarro sa kanilang restaurant at doon naman nanggulo.
Mabilis na nagresponde ang mga tauhan ng Batangas Provincial Police Office at ng Lipa Police Station sa nasabing lugar at naabutan naman ang barangay captain na may hawak pang baril, ngunit siya’y nasawing palad mapatay nang siya’y nagtangka diumanong makipag-agawan ng baril sa mga pulis. (Ulat ni Arnell Ozaeta)