Among babae, maid nirape bago pinagnakawan

TAYTAY, Rizal – Isang magandang negosyanteng babae at kanyang dalagitang katulong ang walang awang ginahasa ng dalawang lalaki na nanloob sa kanilang bahay at tumangay pa ng tinatayang P110,000 halaga ng alahas at salapi kamakalawa ng madaling araw sa bayang ito.

Itinago ni Supt. Luizo Ticman, Rizal PNP Director ang mga biktima sa pangalang Josie, 24, dalaga, at katulong niyang si Leny, 16, pawang naninirahan sa Golden City Subdivision, Brgy. Dolores, Taytay.

Sa ulat, ng pulisya naganap ang insidente dakong alas-4:00 ng madaling araw sa naturang lugar. Nagawang mapasok ng dalawang hindi nakilalang suspek ang bahay ng negosyante sa pamamagitan ng pagwasak sa backdoor sa may kusina. Nabatid na ang dalawang biktima lamang ang nasa loob ng bahay nang mga oras na iyon.

Ayon sa mga biktima, unang pinasok ng mga suspek ang kuwarto ng among si Josie ngunit nagawang makasigaw ito.

Agad namang tinungo ng nagising na si Leny ang kuwarto ng amo ngunit nagulat nang makita niya ang mga suspek. Isa sa mga ito ang humabol sa kanya. Ayon sa dalawa, magkahiwalay na ginahasa umano sila ng mga manloloob habang nakatutok ang baril sa kanilang leeg.

Matapos makaraos, itinali ng mga suspek ang mga biktima bago naghalughog ng mga kagamitan ng kabahayan. Natangay ng mga suspek ang tinatayang P100,000 halaga ng iba’t ibang alahas at P10,000 salapi.

Kasalukuyan namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang makilala ang mga suspek sa pamamagitan ng cartographic sketches na ilalarawan ng mga biktima. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments