Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Aguinaldo, magkakasunod na inatake ng mga rebeldeng MILF ang tatlong himpilan ng 37th Infantry Battalion (IB) sa mga bayan ng Talayan, Datu Piang at Shariff Aguak sa Maguindanao na nag-umpisa dakong alas-12:15 hanggang 3:15 ng hapon na nagresulta kaagad sa pagkasawi ng apat na rebelde na sina Tho Managko, Kamad Kagui Tacil, Mamasalagat at isa pang nakilala lamang sa alyas na Tang, habang sugatan naman ang isang nagngangalang Mokamad.
Bandang alas-6:00 naman ng umaga, hindi pa nakuntento ay tinambangan rin ng grupo ng MILF ang tropa ng 32nd Reconnaissance Special Company ng Phil. Army habang sakay ang mga ito ng pampasaherong jeep sa may kahabaan ng Brgy. Satan, Shariff Aguak para sa isang medical mission.
Bagaman sopresa ang ginawang paghahasik ng karahasan ng mga grupo ng mga rebeldeng Muslim ay agad namang pumosisyon ang tropang militar at nakipagsabayan ng putukan sa umaatakeng mga kalaban.
Isa pang rebeldeng MILF ang nasawi makaraan ang mainitang sagupaan sa pagitan ng mga elemento ng Armys 25th Infantry Battalion (IB) at ng may 30 rebelde sa Sitio Tarok Bato, Brgy. Basak, Tiboli, South Cotabato.
Gayunman, kasalukuyan pang beneberipika ang pangalan ng nasawing MILF na nakunan ng isang 30 M1 garand rifle.
Ang pangyayari ay kasunod ng isinagawang panghaharass ng grupo ng separatistang mga rebelde sa Camp Diez sa Brgy. Rangayen, Alamada, North Cotabato na nagresulta sa pagkasugat ng isang Civilian Volunteer na si John Basellota.
Dakong alas-7:20 ng umaga ng atakehin ng tinatayang may 70 rebeldeng MILF ang naturang detachment na binabantayan ng mga tauhan ng Cafgu Active Auxiliary (CAA) at CVO ay mabilis na nagdepensa kung saan ay nagkaroon ng dalawampung minutong putukan bago tuluyang umatras ang mga kalaban. (Ulat ni Joy Cantos)