‘Papogi’ Cop, tinanggal na sa serbisyo ng Napolcom
MANILA, Philippines — Matapos mapatunayang guilty sa kasong multiple administrative charges kabilang na ang 2 counts ng Less Grave Misconduct, 2 counts ng Grave Misconduct, Oppression, at Conduct Unbecoming of a Police Officer ay tuluyan nang sinibak sa serbisyo ng National Police Commission (Napolcom) en banc si P/Corporal Simeon Dimaala Suan.
Ayon kay Napolcom Commissioner Rafael Calinisan na nag-ugat ang kaso noong Hunyo 2026 matapos mag-viral ang video ni Suan kung saan marahas niyang pinosasan at kinaladkad ang isang 76-anyos na senior citizen na driver kasunod ng isang minor traffic collision sa Taguig City.
Lalo itong naging mainit sa publiko nang personal niyang makaharap si Calinisan sa isang press briefing.
Sa halip na humingi ng paumanhin, sinabihan pa ni Suan ang komisyuner ng: “‘Wag po tayong magpapogi sa media, sir,” na umani ng matinding batikos sa taumbayan at sa pamunuan ng pulisya.
Bukod sa dismissal, tinaggal din ng Napolcom ang benepisyo ni Suan gayundin ay hindi na pinapayagan pang magtrabaho sa alinmang ahensiya ng pamahalaan.
Inatasan din ng Napolcom en banc na padalhan ng kopya ng desisyon ang Office of the Bar Confidant dahil si Suan ay aplikante para maging miyembro ng Philippine Bar.
- Latest
















