3 malaysian arestado, 11 nasagip sa scam hub
Pekeng FBI office nadiskubre ng NBI
MANILA, Philippines — Tatlong Malaysian national ang inaresto habang nasa 11 katao na hinihinalang mga biktima ng human trafficking ang nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawang pagsalakay sa hinihinalang online scam hub sa Barangay Victoria, Currimao, Ilocos Norte, iniulat nitong Miyerkules.
Isinagawa ang operasyon noong Nobyembre 14, 2026 ng NBI-Pampanga District Office (NBI-PAMDO), katuwang ang NBI-
Central Luzon Regional Office (NBI-CELRO), NBI-Laoag District Office (NBI-LADO), at Philippine Air Force (PAF) kasunod ng paghingi ng saklolo ng isang babae.
Sa reklamo, pumasok siya bilang virtual assistant noong Nobyembre 7, at doon ay ikinulong siya at pinilit na gumawa ng online scam, ng tatlong Malaysian.
Sa operasyon, 10 pang manggagawa ang lumapit sa mga operatiba ng NBI at humingi ng tulong at proteksyon, kaya umabot sa 11 ang kabuuang nasagip.
Narekober ng mga imbestigador ang mga computer, tablet, cellphone, scam script, at iba pang materyales na pinaniniwalaang ginamit sa ilegal na operasyon.
Nasorpresa rin ang mga operatiba nang bumungad sa isang silid sa ikalawang palapag ang isang opisina na may bandila ng Estados Unidos at logo na United States Federal Bureau of Investigation (FBI). Mayroon itong FBI-branded jackets, caps, badges, identification cards.
Naniniwala ang NBI na nagpapanggap ang mga operator bilang mga American law enforcement sa scam hub para makapambiktima.
- Latest















