Jinggoy muling sinuspinde ng 90-araw ng Sandiganbayan
MANILA, Philippines — Panibagong 90-araw na preventive suspension kay Senator Jinggoy Estrada ang ipinataw ng Sandiganbayan Fifth Division kaugnay ng plunder case dahil sa umanoy anomalya sa flood control projects.
Ang nasabing kautusan ay pirmado ni Associate Justice Zaldy Trespeses kasunod nang pagtatapos ng unang suspensiyon na ipinataw ng Sandiganbayan Second Division noong Hunyo.
Nag-ugat ang kaso ni Estrada sa umano’y illegal budget insertions at kickbacks sa Department of Public Works and Highways (DPWH) infrastructure and flood control projects sa 2025 national budget.
Inaatasan din nito na dapat ay mabigyan ng kopya ang Office of the Senate President ukol sa nasabing kautusan.
Idinagdag pa nito na kanilang naresolba na ang lahat ng mga mosyon na kumukuwestyon sa validity ng case information na naglalaman ng formal charges laban kay Estrada.
Nahaharap si Estrada ng kasong graft kung saan otomatikong nagpapataw ito ng 90-araw na suspensiyon laban sa opisyal.
Nakasaad sa resolusyon na suspendido si Estrada sa kanyang Senate post at iba pang public office.
Ayon sa Fifth Division, naresolba na ang isyu sa validity ng criminal charges laban kay Estrada dahilan para maglabas ng preventive suspension.
- Latest
















